Guryon
Ano ang probability na makakakita ka ng guryon sa Metro Manila ng alas-sais (6am) ng umaga? Tingin ko less napakababa...
Sa daan ko papunta sa opisina ngayong umaga, nakakita ako ng guryon na mapayapang lumilipad sa himpapawid along Araneta Avenue... Nagpagasolina kasi ako sa isang Shell station at habang kasalukuyan akong nakasimangot dahil sa bwakananginang mahal ng presyo ng gasolina ay napatingin ako sa langit at aking nasulyapan ang isang dekolor na guryon.
Naalala ko tuloy nung bata pa kami nila kuya Reinier na naglalaro kami ng sarangola lalo ka kapag usung-uso ito sa buwan ng Oktubre kapag papalapit na ang undas. Nung panahon kasing yun medyo maluwag pa ang area namin dahil hindi pa sobrang dami ang mga kable sa mga poste... of course wala pa kasing cable at internet nun.. kung may telepono man konti lang ang mga kabahayan na may telepono.... Haayyy... ang tagal na pala ng mga panahong iyon!
Ang buhay parang guryon.... may panahon na lilipad ka ng sobrang taas ngunit kailangan mo ding bumaba kapag takip silim na. Maari din itong ihalintulad sa pag-ibig, akala mo wala na pero kapag pinalipad na ito ng dalawang mahuhusay na piloto ay aakyat ito hanggat kayang ilarga ang pisi, di mo masasabi kung gaano kataas..
Ngunit tulad ng buhay ng sarangola at guryon, ang buhay din natin ay punung-puno ng pagsubok...... Minsan makulimlim at tila nakakasakal, minsan ay umuulan at minsan nama'y umeebang din tayo sa pagkakamali.. pero palaging may panahon upang bumangon at dahan-dahang lumipad upang sa pagsikat ng umaga ay makikita ka sa himpapawid ng buong madla at taos mong isisigaw na masaya at maligaya ang puso ko sapagkat imeere ang guryon ng buhay ko.
Comments